NAIS ng administrasyong Duterte na agarang pagtibayin ang programang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) kapag naisaayos na ang mga kailangan, opisyal na pahayag ng palasyo noong Martes, Agosto 2, 2016.
Sa isang press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang personal na tumulong upang mapagtibay muli ang ROTC.
“Makakatulong ito sa maayos na pagdidisiplina lalo na sa henerasyon ngayon at inaasahan namin na ang ROTC ay makikiisa upang maipalaganap ang kahulugan ng pagiging makabayan sa mga susunod pang henerasyon,” aniya.
Sinigurado rin ni Abella na bukas ang pangulo sa pakikipag-usap sa mga pumipigil na pagtibayin ito.
“Kasama na ‘yan sa prosesong pinag-uusapan, narinig na rin kung bakit may opposition tungkol sa pag-i-impose muli ng ROTC,” aniya.
Binigyan-diin din niya na ang nagtulak sa Presidente na muling isabatas ang ROTC ay upang maging plataporma ito ng pagpapalaganap ng pagiging makabayan sa mga Pilipino sa mga susunod na henerasyon.
Sa isang pakikipanayam sa radyo noong weekend, ipinahayag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na mahalaga ang ROTC dahil bukod sa pagpapalaganap ng pagiging makabayan at disiplina para sa mga kabataan, matutulungan din nito ang bansa upang ihanda at magpakilos ng mga tao lalo na sa mga panahon ng sakuna.
“So, nakita po ng ating Pangulo, he saw the wisdom na kailangan ibalik ito para number one, maibalik iyong discipline, strengthening of character para hindi po ganoon kabilis iyong isang bata na ma-tempt na magdroga. At number two, para to strengthen also our paramilitary,” pahayag ni Andanar.
Ang reserve military training sa ilalim ng RA 9163 ay kilala rin bilang National Service Training Program (NSTP). May tatlo itong sangay: ang NSTP-ROTC, Literary Training Service, at ang Civil Welfare Training.
Ngunit sa tatlong bahagi ng programa, sinabi ni Andanar na labing-apat na porsiyento lamang ang nakatalang estudyante ng ROTC.
Sa kasalukuyan, may dalawa pang nakabitin na bills sa kongreso na minungkahi nina Rep. Isidro Ungab at Sen. Sherwin Gatchalian, pahayag ni Andanar. (Ulat ng PND, Angela Sagales)
0 comments:
Post a Comment