Friday, August 12, 2016

GOV’T HOTLINES 911 AT 8888 PARA SA EMERGENCY, REKLAMO BINUKSAN



KASUNOD ng utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sugpuin ang kriminalidad at red tape sa bansa, matatawagan na ang National Emergency Hotline 911 para sa dagliang police assistance at Complaints Hotline 8888 para dumulog sa mga reklamo laban sa mga tiwali o underperforming na empleyado ng gobyerno simula Agosto 1, 2016.

Pinangunahan nina Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar at Philippine National Police (PNP) Director General Ronald de la Rosa ang pagbubukas sa mga naturang hotlines sa PNP headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Binigyan-diin ni Secretary Andanar ang kahalagahan ng isang komprehensibong sagot  sa kakulangan sa isang tunay na emergency communication system sa bansa. Inanunsiyo niya rin na isang Executive Order ang ipapalabas ng Palasyo upang matugunan din ang isyu ng mobile charges tuwing isinasagawa ang distress call gamit ang 911.

Ayon naman kay P/Dir. General De la Rosa, malaking tulong ang 911 sa pulisya upang mas mapabilis pa ang paglaban nila sa krimen. Nagpasalamat din siya sa mga telecommunication firms na tumulong upang maisakatuparan ang utos ng pangulo. Dagdag pa niya, ang tagumpay ng 911 ay nakasalalay mula sa pinakamababang pangkat ng pulisya sa mga purok at barangay hanggang sa pangunahing sangay ng PNP sa Camp Crame.
Samantala, ang 8888 ay binuksan upang agarang masagot at maaksyunan ang mga reklamo laban sa mga hindi matapus-tapos na proyekto ng gobyerno at mga kurakot at underperforming nitong mga empleyado.

Ang mga idudulog na reklamo ay matatanggap at aaksyunan ng Civil Service Commission at Presidential Action Center. (Ulat ng PND, Michelle Nabre)

0 comments:

Post a Comment