BILANG pagtugon sa kanyang ipinangako na ibibigay sa mga sundalo ang nararapat na serbisyo, binisita ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang may sakit at sugatang mga sundalo noong Martes sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Medical Center sa kahabaan ng V. Luna Road sa Quezon City.
Dinalaw ng pangulo ang mga pasyente na nasugatan sa labanan habang ipinagtatanggol ang Konstitusyon at ipinapanatili ang kapayapaang nasimulan ng gobyerno.
Isa-isang nilapitan ng pangulo ang kama ng bawat pasyente at nakipag-ugnayan sa bago at mahabang battle casualties sa pangunahing military medical facility ng bansa.
Sinubukan namang bumangon ng ilang sundalo sa kani-kanilang kama upang magbigay-pugay sa pangulo. Karamihan sa kanila ay umiyak at niyakap pa ang Commander-in-Chief.
"I'll take care of you," ani Pangulong Duterte bago lisanin ang kama ng isang pasyente. Siya ay nagsilbing inspirasyon nang ianunsiyo niya ang mga nakalatag na programa ng kanyang administrasyon. Sakop nito ang programang medikal, pangkalusugan, serbisyo publiko, at benepisyong pang-edukasyon.
Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na ayaw niyang malagay sa walang katiyakan ang buhay ng mga sundalo. Sisiguraduhin niyang ang kanilang kalusugan at atensiyong medikal ay agad na matutugunan. Bago umalis, inimbitahan pa ng pangulo ang mga pasyente na dumalo sa isang hapunan na gaganapin sa Malakanyang sa mga susunod na araw.
Makalipas ang ilang oras matapos bisitahin ang mga itinuturing na bayani ng ating bayan, nakadaupang-palad din ni Pangulong Duterte ang 500 officers at non-commissioned officers ng naturang ospital. Inanunsyo rin niya ang handog na P500 milyon na nakalaan para ipambili ng bago at state-of-the-art medical equipment pati na rin ang pagpapagawa sa bagong gusali ng ospital.
Nagbigay naman ng babala si Pangulong Duterte laban sa mga aktibidad na may kinalaman sa katiwalian gaya ng bid rigging. Panaghoy rin ng pangulo ang nito lamang bidding process na ipinatupad ng gobyerno na talamak sa katiwalian.
Inutusan ni PRRD ang mga senior officials ng AFP na bumuo ng isang komite na mag-aasikaso sa release ng retirement at pension benefits ng mga sundalo. Inanunsyo rin niya na aprubado na ang recruitment ng mahigit 10,000 na sundalo. (Ulat ng PND, Katherina A. Delgado)
0 comments:
Post a Comment