Friday, August 12, 2016

PANGULONG DUTERTE SA MALALAKING KUMPANYA: IHINTO ANG ENDO



BINALAAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga malalaking kumpanya at negosyo sa bansa na ihinto  ang sistema ng kontraktwalisasyon na nagbabawas ng kanilang mga gastusin o operational expenses o kakaharapin nila ang pagpapasara ng kanilang negosyo.

Ayon pa kay Pangulong Duterte, babawiin ang kanilang permit  to operate kung mapapatunayang inabuso nila ang mga itinakdang panuntunan na nakapaloob sa Labor Law. Dagdag pa niya, may mga tauhan na ipinakalat ang Labor Department upang bantayan at i-tsek ang mga negosyo at kumpanya sa bansa kung talagang sumusunod sila at tapat ang mga ito sa ipinalabas na regulasyon kahit wala pang gaanong resources ang gobyerno sa pagsasagawa ng review sa mga ito.

“Alam mo wala akong pera, wala akong tao to really inspect all of the, you know, doing away with contractualization. My message to them is very simple. Do not wait for us to inspect,” pahayag ni Duterte.

“I would like to assume that everybody who falls under that category will honor what we are asking for the people. Huwag na ninyo akong hintayin na mahuli ko kayo because I will be unforgiving. You will not only lose your money, you will lose your plants,” dagdag pa ng Pangulo.

Muling binigyang diin ng Pangulong Duterte ang zero tolerance para sa mga malalaking negosyo na umaabuso sa Labor Law at pinaalala niya ang kanyang mga naipangako sa taumbayan noong kampanya. Aniya, “Hintuan ninyo ‘yan, bayaran ninyo ang tao sa tamang sweldo; stop contractualization. It will not do good to our country.”

Ang ganitong uri ng sistema ay hindi patas sa taumbayan at pamahalaan, sabi ng Pangulo. Halimbawa, sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), nagte-train sila ng mga tao para maging tubero, karpintero at electrician para lang makahanap ng trabaho na pang-anim na buwan ang kontrata.

Ang mga kumpanyang may sistema ng kontraktwalisasyon ay hindi nakakatulong  sa mga taong nangangailangan ng security of tenure, pahayag ni Pangulong Duterte. Partikular din niyang binanggit ang mga security agencies na karamihan ay pagmamay-ari ng militar at kapulisan, madalas ay naabuso ang kanilang mga security guards sa pamamagitan ng pagre-require sa kanila na magtrabaho ng higit sa walong oras. Ito ay ilegal, ayon sa batas. Binalaan ng Pangulo ang mga nasabing security agencies na sumunod sa batas o kung hindi ay kakanselahin ang  kanilang mga permit.

“Kung ako ba naman kung ikaliligaya ng lahat iyan and it would improve, enhance our economy, wala kayong problema sa akin. But the human being, lalo na security guard, pay all the benefits,” pahayag niya sa mga security agencies.

Para naman sa mga kumpanyang nag-a-outsource ng kanilang worforce, ayon sa Pangulo, bilang mga employers, kinakailangan nilang bayaran ang mga benepisyo na itinakda ng batas. “If you are nag-outsource, whatever, airlines, assume therefore as the real employer. So bayaran ninyo lahat, SSS at saka walang iyang paikut-ikot. Huwag ninyo akong paikutin kasi ang totoo niyan, ayaw ninyo magbayad.”

Kung ang mga malalaking kumpanya ay walang kakayahang pangalagaan ang kanilang empleyado, hindi rin sila makakaasa ng tulong sa gobyerno, dagdag pa ng Pangulo. (Ulat ng PND, Fay Maniaul)

0 comments:

Post a Comment