Tuesday, August 16, 2016

DUTERTE: PAGKAKAPANTAY-PANTAY PATITIBAYIN PARA SA MAHIHIRAP


NAGSALITA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa harap ng mga estudyante at mga propesor mula sa Ateneo de Davao University sa ginanap na “Oya Mindanaw,” kung saan kaniyang sinabi na tutuligsain niya ang mga oligarkiya na magsasamantala sa mga likas na yaman ng bansa lalo na ang mga nasa hanay ng industriya ng pagmimina at pangingisda.
“We are here now and we will go after mining businesses which do not follow the standards. Even if it were a legitimate business, we can only hold so much. Whether it is legal or not, it will destroy the country,” pahayag ni PRRD.
Sinigurado naman nina Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang kalihim ng Department of the Environment and Natural Resources (DENR) Gina Lopez na mananagot ang mga mining firms na magsagawa ng environmentally destructive open-pit methods and corporations na mag-gagarantiya ng permiso sa pamamagitan ng pera, impluwensiya, at kasakiman.
“I am fighting a monster. Believe me, I will destroy their clutches on our nation,” aniya.
Sinabi rin ng Pangulo na hindi tama ang pag-gagarantiya ng permiso dahil sa kaya lamang ng isang mining firm. Determinado umano siya na itigil ang pagmimina dahil unti-unting nasisira ang kalupaan.
Dagdag pa niya, “What I am sure of, I am a worker of government. Mining is a sunset industry and also logging. It is already too late. If there were 24 hours in a day, logging is on its 25th hour. We cannot cut trees anymore.”

Sa katunayan, nitong nakaraang eleksyon, ang dating Davao City Mayor ay hindi tumanggap ng kahit anumang kontribusyon sa kampanya mula sa mga indibiduwal na nagpakita ng kanilang pansarling interes, para sa Pangulo wala siyang pinagkakautangan ng loob at hindi lamang isa ang kaniyang pinagsisilbihan kundi ang bawat isa.
“The oligarchs are resisting because it will destroy the power vortex. I do not owe anyone. Many would like to maintain the status quo. I will destroy this little by little. I will open the country’s resources to all Filipinos regardless of tribe, race, or religion. We have only one nation,” pagbibigay niya ng diin.
Sa mga panahong ito, mas lalong ipinakita ng Pangulo kung gaano niya inaayawan ang opresyon sa kahit anumang bahagi. Nanawagan siya sa bawat isa na hayaan ang gobyerno na pangalagaan ang ating bansa dahil ito na lamang ang tanging mayroon sila. (Ulat mula sa PND, Angela Sagales)

PSG PINAALALAHANAN NA MAGING TAPAT SA KONSTITUSYON


NAKIPAGPULONG si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Presidential Security Group (PSG) kasama ang kanilang mga pamilya sa Malakanyang. Hinihikayat nito na ipagpatuloy ang kanilang mandato alinsunod sa Saligang Batas.
Ani PRRD, “I am happy that you secure my person but just the same, I would like to caution everybody that I do not cultivate personal loyalty. Just be loyal to the constitution. Honor the flag.”
Isa lang din siyang empleyado ng gobyerno katulad ng mga sundalo ng PSG, ayon kay PRRD. “Pareho lang tayong trabahante lang ng gobyerno. Galing ako sa mahirap at rose from the ranks din ako.” Dagdag ni PRRD ay una siyang umupo sa pinakamababang posisyon sa gobyerno sa bayan ng Davao.
Humingi naman ng paumanhin si PRRD sa PSG dahil hindi ito agad nakipagpulong sa kanila simula nang magsimula ang kaniyang termino. Sa kabila nito, nagbigay ng papuri si PRRD sa mga empleyado ng PSG at sabi, “bili ako sa inyo dahil sa inyong loyalty.”
“Magtrabaho lang tayong lahat.” Yan ang sabi ni PRRD sa lahat ng empleyado ng PSG at pinayuhan sila na gawin lang ang kanilang mga trabaho at huwag pansinin ang mga pagpupuna ukol sa mga tungkulin nila.
Sa pagbisita ni PRRD sa mga military camps, isinaad niya muli na bilang Commander-in-Chief, magbibigay siya ng suporta pagdating sa mga gamit basta lamang ay gawin ang mga trabahong ipinagkaloob sa kanila.
Hinihikayat din ni PRRD ang mga sundalo ng PSG na tumulong sa mga pulis para magbigay ng seguridad sa buong bansa. “You have to help the police because we cannot provide security in every inch of the territory. It is impossible.”
Pinaalalahanan din ng bagong komander ng PSG na si General Rolando Bautista, na sila ang naatasan para magbigay ng proteksyon sa bagong Commander-in-Chief. (Ulat ng PND, Patrisha Bagalso)

Friday, August 12, 2016

ROTC MULING PAGTITIBAYIN


NAIS ng administrasyong Duterte na agarang pagtibayin ang programang  Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) kapag naisaayos na ang mga kailangan, opisyal na pahayag ng palasyo noong Martes, Agosto 2, 2016.

Sa isang press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang personal na tumulong upang mapagtibay muli ang ROTC.

“Makakatulong ito sa maayos na pagdidisiplina lalo na sa henerasyon ngayon at inaasahan namin na ang ROTC ay makikiisa upang maipalaganap ang kahulugan ng pagiging makabayan sa mga susunod pang henerasyon,” aniya.

Sinigurado rin ni Abella na bukas ang pangulo sa pakikipag-usap sa mga pumipigil na pagtibayin ito.

“Kasama na ‘yan sa prosesong pinag-uusapan, narinig na rin kung bakit may opposition tungkol sa pag-i-impose muli ng ROTC,” aniya.
Binigyan-diin  din niya na ang nagtulak sa Presidente na muling isabatas ang ROTC ay upang maging plataporma ito ng pagpapalaganap ng pagiging makabayan sa mga Pilipino sa mga susunod na henerasyon.

Sa isang pakikipanayam sa radyo noong weekend, ipinahayag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na mahalaga ang ROTC dahil bukod sa pagpapalaganap ng pagiging makabayan at disiplina para sa mga kabataan, matutulungan din nito ang bansa upang ihanda at magpakilos ng mga tao lalo na sa mga panahon ng sakuna.

“So, nakita po ng ating Pangulo, he saw the wisdom na kailangan ibalik ito para number one, maibalik iyong discipline, strengthening of character para hindi po ganoon kabilis iyong isang bata na ma-tempt na  magdroga. At number two, para to strengthen also our paramilitary,” pahayag ni Andanar.

Ang reserve military training sa ilalim ng RA 9163 ay kilala rin bilang National Service Training Program (NSTP). May tatlo itong sangay: ang NSTP-ROTC, Literary Training Service, at ang Civil Welfare Training.

Ngunit sa tatlong bahagi ng programa, sinabi ni Andanar na labing-apat na porsiyento lamang ang nakatalang estudyante ng ROTC. 
Sa kasalukuyan, may dalawa pang nakabitin na bills sa kongreso na minungkahi nina Rep. Isidro Ungab at Sen. Sherwin Gatchalian, pahayag ni Andanar. (Ulat ng PND, Angela Sagales)

GOV’T HOTLINES 911 AT 8888 PARA SA EMERGENCY, REKLAMO BINUKSAN



KASUNOD ng utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sugpuin ang kriminalidad at red tape sa bansa, matatawagan na ang National Emergency Hotline 911 para sa dagliang police assistance at Complaints Hotline 8888 para dumulog sa mga reklamo laban sa mga tiwali o underperforming na empleyado ng gobyerno simula Agosto 1, 2016.

Pinangunahan nina Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar at Philippine National Police (PNP) Director General Ronald de la Rosa ang pagbubukas sa mga naturang hotlines sa PNP headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Binigyan-diin ni Secretary Andanar ang kahalagahan ng isang komprehensibong sagot  sa kakulangan sa isang tunay na emergency communication system sa bansa. Inanunsiyo niya rin na isang Executive Order ang ipapalabas ng Palasyo upang matugunan din ang isyu ng mobile charges tuwing isinasagawa ang distress call gamit ang 911.

Ayon naman kay P/Dir. General De la Rosa, malaking tulong ang 911 sa pulisya upang mas mapabilis pa ang paglaban nila sa krimen. Nagpasalamat din siya sa mga telecommunication firms na tumulong upang maisakatuparan ang utos ng pangulo. Dagdag pa niya, ang tagumpay ng 911 ay nakasalalay mula sa pinakamababang pangkat ng pulisya sa mga purok at barangay hanggang sa pangunahing sangay ng PNP sa Camp Crame.
Samantala, ang 8888 ay binuksan upang agarang masagot at maaksyunan ang mga reklamo laban sa mga hindi matapus-tapos na proyekto ng gobyerno at mga kurakot at underperforming nitong mga empleyado.

Ang mga idudulog na reklamo ay matatanggap at aaksyunan ng Civil Service Commission at Presidential Action Center. (Ulat ng PND, Michelle Nabre)

PANGULONG DUTERTE SA MALALAKING KUMPANYA: IHINTO ANG ENDO



BINALAAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga malalaking kumpanya at negosyo sa bansa na ihinto  ang sistema ng kontraktwalisasyon na nagbabawas ng kanilang mga gastusin o operational expenses o kakaharapin nila ang pagpapasara ng kanilang negosyo.

Ayon pa kay Pangulong Duterte, babawiin ang kanilang permit  to operate kung mapapatunayang inabuso nila ang mga itinakdang panuntunan na nakapaloob sa Labor Law. Dagdag pa niya, may mga tauhan na ipinakalat ang Labor Department upang bantayan at i-tsek ang mga negosyo at kumpanya sa bansa kung talagang sumusunod sila at tapat ang mga ito sa ipinalabas na regulasyon kahit wala pang gaanong resources ang gobyerno sa pagsasagawa ng review sa mga ito.

“Alam mo wala akong pera, wala akong tao to really inspect all of the, you know, doing away with contractualization. My message to them is very simple. Do not wait for us to inspect,” pahayag ni Duterte.

“I would like to assume that everybody who falls under that category will honor what we are asking for the people. Huwag na ninyo akong hintayin na mahuli ko kayo because I will be unforgiving. You will not only lose your money, you will lose your plants,” dagdag pa ng Pangulo.

Muling binigyang diin ng Pangulong Duterte ang zero tolerance para sa mga malalaking negosyo na umaabuso sa Labor Law at pinaalala niya ang kanyang mga naipangako sa taumbayan noong kampanya. Aniya, “Hintuan ninyo ‘yan, bayaran ninyo ang tao sa tamang sweldo; stop contractualization. It will not do good to our country.”

Ang ganitong uri ng sistema ay hindi patas sa taumbayan at pamahalaan, sabi ng Pangulo. Halimbawa, sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), nagte-train sila ng mga tao para maging tubero, karpintero at electrician para lang makahanap ng trabaho na pang-anim na buwan ang kontrata.

Ang mga kumpanyang may sistema ng kontraktwalisasyon ay hindi nakakatulong  sa mga taong nangangailangan ng security of tenure, pahayag ni Pangulong Duterte. Partikular din niyang binanggit ang mga security agencies na karamihan ay pagmamay-ari ng militar at kapulisan, madalas ay naabuso ang kanilang mga security guards sa pamamagitan ng pagre-require sa kanila na magtrabaho ng higit sa walong oras. Ito ay ilegal, ayon sa batas. Binalaan ng Pangulo ang mga nasabing security agencies na sumunod sa batas o kung hindi ay kakanselahin ang  kanilang mga permit.

“Kung ako ba naman kung ikaliligaya ng lahat iyan and it would improve, enhance our economy, wala kayong problema sa akin. But the human being, lalo na security guard, pay all the benefits,” pahayag niya sa mga security agencies.

Para naman sa mga kumpanyang nag-a-outsource ng kanilang worforce, ayon sa Pangulo, bilang mga employers, kinakailangan nilang bayaran ang mga benepisyo na itinakda ng batas. “If you are nag-outsource, whatever, airlines, assume therefore as the real employer. So bayaran ninyo lahat, SSS at saka walang iyang paikut-ikot. Huwag ninyo akong paikutin kasi ang totoo niyan, ayaw ninyo magbayad.”

Kung ang mga malalaking kumpanya ay walang kakayahang pangalagaan ang kanilang empleyado, hindi rin sila makakaasa ng tulong sa gobyerno, dagdag pa ng Pangulo. (Ulat ng PND, Fay Maniaul)

REPORMANG PANGHALALAN, PAGLABAN SA KATIWALIAN SUPORTADO NG PPCRV



NAGBIGAY-PUGAY ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Rizal Hall ng MalacaƱang noong Miyerkules, Agosto 4, 2016.

Pinuri ng PPCRV ang pagsisikap ng Pangulo na maibalik ang kapayapaan sa bansa at ang pagnanais nitong matugunan ang iba pang pangangailangan ng mga mamamayan gaya ng edukasyon, kasiguraduhan sa pagkain at ang prosesong pangkapayapaan.

Nanawagan si PPCRV National Chair Ambassador Henrietta De Villa kay Pangulong Duterte na wakasan na ang nakasanayang pagbili at pagbenta ng boto tuwing may halalan na sumisira sa kasagraduhan ng demokrasya. Hiniling din ni De Villa sa Pangulo na ipagpatuloy ang mabuting pamamahala na kanyang naumpisahan.

Sinabi ng Pangulo na tinanggihan niya ang campaign contribution ng mga indibidwal at kumpanya na may pansariling interes sa kanyang administrasyon. Aniya, “I owe no one, serve no vested interest but I do owe a debt of gratitude to the Filipino people.”
Sinabi niya sa mga lider ng PPCRV na hindi niya pinangarap na sumikat. Hindi aniya siya naging honor student samantalang ang mga kaibigan niya at kaklase ang nakatanggap ng pinakamataas na parangal. 

“Destiny is God-given,” pahayag niya sa grupo.

Dahil nakuha niya ang tiwala at kumpiyansa ng mahigit 16 milyong botante sa nakaraang halalan kung saan nagdalawang isip pa siya sa pagtakbo, sinabi ni PRRD na may pangako siyang obligasyon para tulungan ang kaniyang mga kababayan.

Binigyan-diin din ni PRRD ang importansya ng ama at ina sa balangkas ng isang pamilya. Kung wala ang ama o ang ina sa pamilya ay malaki ang magiging epekto niyon sa emotional, social and psychological development ng bata. Nagiging dahilan din ito para ang isang bata ay malulong sa droga.

Ipinaliwanag niya na kailangan magwagi ng pamahalaan sa laban kontra droga at ang pangwawasak na ginagawa nito sa pamilya at sa bansa.

Bagama’t ang napalutang pa lang ng mga isinasagawang operasyon ng pulisya ay mga “lieutenants” at mga  maliliit na dealer pa lang, itinuturing ni PRRD na ang mga indibidwal na ito ay mga “apparatus” na ginagamit ng mga drug lord sa pagpapatakbo ng kanilang ilegal na negosyo. Mahalaga rin aniya na masugpo ang mga ito para tuluyang mahinto ang problema sa droga.

Ani PRRD, “It is a war and not a crisis. Poverty is not an excuse. I need to destroy the apparatus to stop the proliferation of illegal drugs.”

Mahigit isang buwan pa lamang si PRRD bilang pangulo pero marami na siyang natupad sa kanyang mga pangako noong panahon ng kampanya. Dahil sa maganda niyang naipakikita sa pagtupad sa kanyang tungkulin nangako sa kanya ng suporta ang PPCRV at nanalangin na lalo pa siyang magtagumpay sa pagtupad sa pangarap ng bawat Pilipino ng tunay na pagbabago, tuluyang pagsugpo sa katiwalian at walang hanggang kapayapaan. (Ulat ng PND, KC Cordero)

PRRD BINISITA ANG MGA SUGATANG SUNDALO, MAGHAHANDOG NG PONDO PARA SA AFP MEDICAL CENTER


BILANG pagtugon sa kanyang ipinangako na ibibigay sa mga sundalo ang nararapat na serbisyo, binisita ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang may sakit at sugatang mga sundalo noong Martes sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Medical Center sa kahabaan ng V. Luna Road sa Quezon City.

Dinalaw ng pangulo ang mga pasyente na nasugatan sa labanan habang ipinagtatanggol ang Konstitusyon at ipinapanatili ang kapayapaang nasimulan ng gobyerno.

Isa-isang nilapitan ng pangulo ang kama ng bawat pasyente at nakipag-ugnayan sa bago at mahabang battle casualties sa pangunahing military medical facility ng bansa.

Sinubukan namang bumangon ng ilang sundalo sa kani-kanilang kama upang magbigay-pugay sa pangulo. Karamihan sa kanila ay umiyak at niyakap pa ang Commander-in-Chief.

"I'll take care of you," ani Pangulong Duterte bago lisanin ang kama ng isang pasyente. Siya ay nagsilbing inspirasyon nang ianunsiyo niya ang mga nakalatag na programa ng kanyang administrasyon. Sakop nito ang programang medikal, pangkalusugan, serbisyo publiko, at benepisyong pang-edukasyon. 

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na ayaw niyang malagay sa walang katiyakan ang buhay ng mga sundalo. Sisiguraduhin niyang ang kanilang kalusugan at atensiyong medikal ay agad na matutugunan. Bago umalis, inimbitahan pa ng pangulo ang mga pasyente na dumalo sa isang hapunan na gaganapin sa Malakanyang sa mga susunod na araw.

Makalipas ang ilang oras matapos bisitahin ang mga itinuturing na bayani ng ating bayan, nakadaupang-palad din ni Pangulong Duterte ang 500 officers at non-commissioned officers ng naturang ospital. Inanunsyo rin niya ang handog na P500 milyon na nakalaan para ipambili ng bago at state-of-the-art medical equipment pati na rin ang pagpapagawa sa bagong gusali ng ospital.

Nagbigay naman ng babala si Pangulong Duterte laban sa mga aktibidad na may kinalaman sa katiwalian gaya ng bid rigging. Panaghoy rin ng pangulo ang nito lamang bidding process na ipinatupad ng gobyerno na talamak sa katiwalian. 

Inutusan ni PRRD ang mga senior officials ng AFP na bumuo ng isang komite na mag-aasikaso sa release ng retirement at pension benefits ng mga sundalo. Inanunsyo rin niya na aprubado na ang recruitment ng mahigit 10,000 na sundalo. (Ulat ng PND, Katherina A. Delgado)